Kinilala ang dalawang biktima na si Lowell Senda, 52-anyos, general manager ng Consumers Bank na may sangay sa nasabing lungsod at ang 21-anyos nitong anak na dalaga na nakilalang si Janice Glenda Senda.
Sa isinagawang follow-up operations ng mga operatiba ng General Santos City Police sa pamumuno ni P/Supt. Adolfo Bautista, pagkalipas lamang ng ilang oras ay agad nabawi si Mr. Senda subalit natangay ng mga ito ang anak na dalaga na huling namataang dinala sa direksiyon ng Brgy. Batomelong, General Santos City base sa iniwang palatandaan ng motorsiklong pinagsakyan sa naturang biktima.
Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang pagdukot sa mag-ama ay naganap dakong alas-8:30 ng gabi sa kanilang tahanan sa Blk. 13 Lot 32, Gensanville Subdivision, Bula, General Santos City.
Napag-alaman na bigla na lamang sumulpot ang mga armadong suspek sa tahanan ng pamilya Senda, tinutukan ng baril si Lowell bago kinaladkad pasakay sa isang Honda Civic habang si Janice ay pinaangkas sa motorsiklo.
Agad namang nai-report sa mga awtoridad ang pangyayari at iniradyo sa checkpoint upang harangin ang Honda Civic na pinagsakyan ng mga kidnappers kay Mr. Senda.
Matapos na matunugan ng mga kidnappers na buking na ang pagkidnap nila sa mga biktima ay napilitan ang mga itong abandonahin si Mr. Senda at saka naghiwa-hiwalay ng direksiyon sa pagtakas upang di makorner ng humahabol na mga operatiba ng pamahalaan.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng mga kidnappers sa pagdukot sa mga biktima.
Samantalang patuloy rin ang isinasagawang hot pursuit operations ng mga elemento ng pulisya upang ligtas na mabawi ang kinidnap na dalaga. (Ulat ni Joy Cantos)