Mag-asawang killer hinatulang mabitay

MALOLOS, Bulacan – Parusang kamatayan ang iginawad ng korte sa isang mag-asawa na napatunayang pumaslang sa isang tricycle driver at tumangay sa tricycle na pinapasada nito, may limang taon na ang nakakalipas.

Sa 17 pahinang desisyon na iginawad ni Judge Victoria Fernandez-Bernardo, ng RTC Branch 18 ng nasabing lalawigan, ang hinatulan nang bitay ay ang mag-asawang sina Bibiano at Angelica Siapno, residente ng Baliuag, Bulacan.

Ang mag-asawang akusado ay napatunayang nagkasala ng kasong pagpaslang sa biktimang si Elmer Bernardo, noong gabi ng Marso 12, 1996 sa isang lugar sa nabanggit na bayan.

Batay sa rekord ng korte, ang biktima ay pinaslang sa pamamagitan ng pagsakal ng alambre sa leeg nito, bukod pa sa mga saksak na tinamo sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Bukod dito, tinangay din ng mag-asawa ang tricycle na ipinapasada ng biktima na nagkakahalaga ng P75,000.00 kung saan ilang araw matapos paslangin ang biktima ay narekober ng pulisya sa isang bayan sa Pampanga na wala na ang side car at sinasabing nakatakda na sanang ipagbili.

Mariin namang itinanggi ng mag-asawa ang naging akusasyon sa kanila, subalit sa ginawang pagdinig ng kaso sa korte, ayon na rin sa mga ebidensiyang iniharap laban sa kanila ay lumitaw na ang mag-asawa ang siyang responsable sa naganap na krimen.

Bukod sa parusang kamatayan, hinatulan din ang mag-asawa ng 21 taong pagkabilanggo para naman sa kasong carnapping at inatasan din sila ng korte na bayaran ang pamilya ng nasawi ng halagang P838,573.33 bilang bayad pinsala sa ginawa nilang pagpatay dito. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments