Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Vedel Tolentino, Quintin Belchez at Crisanto Brosas, empleyado ng NAPOCOR at pansamantalang itinalaga ng Miescor, isang contractor ng Phil. Geothermal Inc. sa nasabing planta.
Namatay noon din ang mga biktima habang mabilis namang naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na nakilalang sina Salvador Collantes at Larry Balimbing.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, mistulang lantang gulay na bigla na lamang umanong bumagsak sa kanilang kinalalagyan ang tatlong biktima. Mabilis ding nangitim ang mga ito matapos na makasinghot ng hydrogen sulfide gas, isang nakamamatay na kimiko na pinaniniwalaang tumagas mula sa steam pipe ng naturang planta.
Nabatid na kasalukuyang nagkukumpuni sa mga kubo ang mga biktima ng bigla na lamang tumagas ang mapaminsalang kimiko na dagliang kumalat sa working area.
Bunsod nitoy nakaramdam ng sobrang pananakit ng ulo, matinding pagkahilo ang mga biktima at ilang saglit pa ay tuluyan na ngang bumulagta ang mga ito.
Sa kasalukuyan, masusing sinisiyasat ng mga awtoridad ang naturang insidente. (Ulat ni Joy Cantos)