Pampasaherong bus, sinunog

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Isa na namang pampasaherong bus na may biyaheng Manila-Nueva Ecija ang iniulat na sinunog ng apat na armadong kalalakihan na sakay nito, makaraang pahintuin sa gilid ng daan habang papaluwas ng Maynila sa kahabaan ng Doña Remedios Trinidad Highway sa may Barangay Taal, Pulilan sa lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.

Nabatid na ang panununog ay naganap dakong alas- 3 ng hapon matapos na parahin at sumakay sa RL Transit na may plakang NYN-537 ang apat na mga suspect sa may Barangay Tangos, Baliuag, Bulacan.

Pagsapit ng mga ito sa may Barangay Taal, Pulilan isa sa mga suspect ang tumayo at lumapit sa driver ng bus na nakilalang si Romeo Gutierrez, 34.

Agad itong tinutukan ng baril at saka inutusang itigil ang sasakyan sa gilid ng daan.

Matapos na huminto ang bus ay inutusan ng mga suspect ang lahat ng pasahero na magsibaba at pagkatapos ay saka nila binuhusan ng gasolina ang loob at labas ng bus at saka siniliban.

Ayon sa ilang mga pasahero, bago tumakas ang mga suspect ay humingi pa umano ang mga ito ng paumanhin sa kanila at nagsabing "Pasensiya na kayo at naabala namin ang inyong paglalakbay. Gumaganti lang po kami sa perwisyong idinulot ng mga bus na ito sa pagkamatay ng ilan naming mga kababayan na hanggang sa ngayon ay hindi pa nabibigyan ng katarungan".

Patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang mabatid ang tunay na motibo sa naganap na panununog sa naturang bus. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments