Ang biktima na halos nagkalasog-lasog ang katawan bunga ng mga pahirap na tinamo sa kamay ng kanyang kuya ay nakilalang si Jerico Buala, 4. Samantala agad namang nadakip ng mga awtoridad at ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng pulisya ang suspect na kuya na nakilalang si Alexander Esperenzate III, 19, estudyante na sinasabing kapatid sa ina ng nasawi.
Sa ulat ni Superintendent Rolando Lorenzo, hepe ng pulisya sa naturang bayan, napag-alaman na ang insidente ay naganap dakong alas- 6 ng hapon habang naglalaro sa loob ng kanilang bahay ang biktima. Napansin nito ang pipa na nakalagay sa isang sulok ng kanilang bahay na agad naman nitong dinampot at pinaglaruan, gayunman hindi inaasahang mabibitiwan ito ng bata na naging dahilan upang mabasag.
Nakita ng suspect na noon ay bangag sa ipinagbabawal na gamot ang pagkabasag ng kanyang pipa kung kaya agad nitong nilapitan ang kapatid at walang sabi-sabing tinadyakan.
Bukod dito, pinagsusuntok pa ng bangag na suspect ang paslit at saka kinagat sa ibat-ibang bahagi ng katawan. Hindi pa umano ito nasiyahan ay kumuha pa ng pamalo at saka pinalo sa ulo ang batang biktima.
Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang ilang nagmamalasakit na kapitbahay makaraang marinig ang kakaibang pag-iyak at panaghoy ng bata, subalit nang dumating ang mga awtoridad ay inabutan nilang wala nang buhay ang bata. (Ulat ni Efren Alcantara)