Obrero kinatay dahil sa mikropono

LEGAZPI CITY – Dahilan lamang sa hindi mabitawang mikropono, isang obrero ang hindi na umabot pang buhay sa pagamutan makaraang pagsasaksakin ng apat na mga kalalakihan matapos na ang mga ito ay magtalo dahil nga sa mikropono sa loob ng isang videoke bar sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang nasawing biktima na si Jose Malavega, 36, ng Brgy. Buragwis ng nabanggit na lunsod.

Samantala, isa sa apat na suspect ang agad na nadakip ng pulisya ay nakilalang si Antonio Noria. Pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas- 2 ng madaling araw habang ang biktima at mga suspect ay nag-iinom sa loob ng Esep-Esep videoke bar.

Binanggit pa sa ulat na halos hindi umano binibitiwan ng nasawi ang mikropono at nagtuluy-tuloy sa kanyang pagkanta.

Ang grupo naman ng mga suspect ay naghihintay sa kanilang pagkakataon para makakanta sa kabilang mesa.

Ilang minuto pa ang lumipas ay hindi na nakatiis pa ang grupo ng mga suspect at ang kanilang ginawa ay tumayo at nilapitan ang biktima na noon ay kumakanta pa rin.

Walang sabi-sabing ginulpi ng mga suspect ang biktima at hindi pa nagkasya ay sinundan pa ng sunod-sunod na saksak.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na umabot pang buhay. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments