4 katao patay sa sunog

LUCBAN, Quezon – Apat katao ang iniulat na nasawi, bukod pa sa ilang nasugatan , habang labing-apat namang pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap kamakalawa ng umaga sa panulukan ng Suarez at Kundiman Streets na sakop ng Barangay 6 sa bayang ito.

Nakilala ang mga nasawi na sina Ricky Cruz, 32; Adelaida Ladiness, 56; Editha Bojilador, 53 at Magdalena Abulad, 63.

Bukod kay Cruz na nasawi makaraang mapuluputan sa binti ng isang live wire, ang tatlo pa ay pawang na-suffocate.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang sunog dakong alas-4:00 ng madaling araw at naapula lamang ganap ng alas-6:30 ng umaga.

Ang apoy ay sinasabing nagmula sa bahay ni Abulad at bagamat medyo umuulan ay kumalat din ang apoy at tinupok ang may sampung kabahayan sa halos isang bloke.

Inaalam pa kung magkanong halaga ang natupok sa naganap na sunog. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments