P1.2M puslit na kargamento nasabat

Tinatayang aabot sa mahigit na P1.2 milyong halaga ng mga smuggled goods ang nasamsam ng mga elemento ng Phil. Navy matapos na matagumpay na maharang ng mga ito ang isang lantsa na naglalayag sa karagatan ng Tulian Island sa Sulu, ayon sa ulat ng militar kahapon.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, dakong alas- 5:50 ng hapon habang nagsasagawa ng anti-smuggling patrol ang mga tauhan ng Navy sa nasabing karagatan ng mamataan ng mga ito ang M/L Nurhaida IV na kahina-hinalang may lulan ng malalaking kargamento.

Agad na hinabol ng mga patrol boats ng Phil. Navy ang nasabing sasakyang pandagat na matagumpay naman nilang nakorner.

Nabatid na ang nasabing lantsa ay pagmamay-ari ng isang nagngangalang Salipating mula sa bayan ng Jolo.

Kabilang sa mga nasabat na smuggled goods ay 50 sako ng used clothing, 105 na sako ng imported na bigas, 700 sako ng ammonium nitrate, 30 sako ng imported noodles, 30 sako ng imported plastic, tatlong tonelada ng ibat-ibang parte ng sasakyan, 500 piraso ng imported plywood na tinatayang nagkakahalaga ng P1.2 milyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments