Matapos na itanggi ni Candazo at ng umanoy kasama nitong si Suzette Lopez ang mga akusasyon, pormal na nagsampa ng mga kasong abuse of authority, physical injury, grave threats at slander sa Antipolo City Prosecutors Office ang biktimang si Perla Bemolirao, 33, residente ng Barangay San Juan, Antipolo City.
Sinabi ni Atty. Jesus Huenes, chairman ng Barangay Inarawan at tumatayong abogado ni Bemolirao na ipinursige nila ang kaso dahil sa matinding pagtatanggi ni Candazo sa akusasyon.
Sa pahayag ng biktima, siya umano ang naka-assign na caddie sa nabanggit na solon nang pag-initan siya nito at tatlong beses na batuhin ng bola ng golf ngunit pawang naiwasan niya.
Ito umano ay dahil sa pangit na laro ng solon na malapit ng matalo na naganap sa Forest Hills Golf and Country Club sa Barangay Inarawan ng nabanggit na lungsod.
Malaki umano ang pustahan kaya mainit na ang ulo ng solon.
Hanggang sa dumating sa punto na si Lopez naman ang siyang umatake at sumakal sa kanya. Nagawa niyang makapiglas ngunit pinalo siya ng putter sa tuhod.
Tumigil lamang ito ng sawayin umano ni Candazo na nagsabi ng ganito; "Tama na iyan honey". ( Ulat ni Danilo Garcia)