Bayaw ni Agarao, sumuporta kay PNP Chief Mendoza

Sta. Cruz, Laguna – Nagpahayag ng pagsuporta si Benjie Agarao, kapatid ng pinaslang ng dating Lumban Vice-Mayor Clarence na asawa ni Crusade Against Violence (CAV) Chairman Carina Agarao kay acting PNP Chief Leandro Mendoza matapos na ito ay i-absuwelto ni DILG Secretary Joey Lina sa mga akusasyon ni Carina.

Ang pagsuporta ni Benjie kay Mendoza ay nang sibakin nito sa puwesto si P/Supt. Wilfredo Dulay, bilang Laguna Provincial Director dahil sa pagkabigo nitong maaresto muli ang tumakas na confessed killer ng kanyang kapatid na si Luisito San Juan, alyas Bunso.

Hinirang naman ni Mendoza si Supt. Nilo dela Cruz bilang bagong Laguna Provincial Director at inatasan na magsasagawa ng isang manhunt operation para sa agarang ikadarakip ni San Juan.

Hiniling ni Benjie kay Mendoza na hindi lang pagkasibak sa puwesto kundi ito ay kasuhan kasama ang dalawang pulis na nagbabantay sa kulungan ng mga oras na iyon.

Naniniwala ang pamilyang Agarao, sa kakayahan ni Mendoza sa pagiging propesyonal nito sa kanyang tungkulin lalo na ito ay walang kinalaman sa killer ni Clarence.

Sinabi pa ni Benjie na malaya naman umano ang kanyang hipag na si Carina ukol sa pagbatikos nito kay Mendoza dahil ito ay kanyang tungkulin bilang asawa ni Clarence at bilang chairman ng CAV. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments