Ang biktima ay nakilalang si P/Supt. Mitumadum Baraacal Enca, nakatalaga sa Office of the Regional Director-Region 9 at residente ng nasabing lunsod.
Batay sa ulat kahapon ng Camp Crame, na bandang alas 8:25 ng umaga habang nag-aabang ng traysikel ang biktima kasama ang kanyang asawa na nakilalang si Aisa sa harapan ng Agora Complex ay bigla na lamang sumulpot sa likuran ang dalawang armadong kalalakihan.
Agad na pinaputukan ng isa sa mga suspek ang biktima na duguang bumagsak sa lupa. Kahit na nakalugmok na sa lupa ito ay binaril pa rin.
Walang nagawa at natulala lamang si Aisa sa bilis ng pangyayari. Nang mahimasmasan ay nagsisigaw ito at humingi ng tulong habang ang mga suspek ay mabilis nagkanya-kanyang direksyon sa pagtakas.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang posibleng motibo ng krimen ay may kinalaman sa sigalot sa pagitan ng pamilya Enca at kilalang angkan ng Dimaporo.
Sinasabing ang biktima ay suspek ng mga Dimaporo sa pagpaslang sa kamag-anak nilang si Sultan Naga Dimaporo na naganap sa Quiapo,Maynila ilang taon na ang nakakaraan. (Ulat ni Joy Cantos)