240 taon pagkabilanggo sa amang humalay sa tatlong anak na babae

BACOLOD CITY – Sinintensiyahan ng Regional Trial Court (RTC) ng Negros Occidental ang isang ama ng 240 taong pagkabilanggo dahil sa paulit-ulit na panghahalay sa kanyang tatlong menor-de-edad na anak.

Ang hinatulan ni Judge Emma Labayen ng walong counts ng reclusion perpetua (30 taon sa bawat isang count) ay nakilalang si Wilfredo Natal.

Si Natal ay napatunayang nagkasala sa kasong panghahalay sa tatlo niyang anak na babae na may edad na 15, 13 at 12 simula noong 1986 hanggang 1991.

Ang kanilang ina ay nabatid na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa isinagawang pagdinig, tumestigo ang 15-anyos na anak ng akusado na nagsabing ilang ulit siyang hinalay ng kanyang sariling ama sa kanilang bahay.

Binanggit pa nito na bago magtrabaho sa ibang bansa ang kanilang ina noong Mayo 6, 1991 ay binanggit na niya dito ang kahayukang ginagawa sa kanya ng kanilang ama, subalit hindi naniwala ang kanilang ina.

Ang sumbong ng mga bata ay pinatunayan din ng resulta ng isinagawang medical examination sa mga biktima. Lumalabas na positibo sa lacerations ang tatlong biktima. (Ulat ni Antonieta Lopez)

Show comments