Ang biktima na namatay noon din bunga ng tinamong apat na tama ng bala ng baril sa katawan ay kinilala ni Supt. Cresencio Bulalacao, hepe ng pulisya sa bayang ito na si Marcelino Basbas, 52, kapitan ng barangay sa Brgy. Cabilang Baybay ng nabanggit na bayan.
Masuwerte namang nakaligtas ang kasama ng nasawi sa pagdya-jogging na nakilalang si Jaime Mercado.
Mabilis namang tumakas ang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo matapos na matiyak na napatay na nila ang kanilang target.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw habang ang kapitan kasama si Mercado ay nagdya-jogging sa harap ng Macaria Business Center sa nasabing lugar nang biglang tigilan ng dalawang suspect na nakasakay sa isang pulang motorsiklo na may plakang MC-1124. Walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga suspect ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Samantalang natulala na lamang ang kasama nitong si Mercado.
Ayon kay Carmona Mayor Roy Loyola na naniniwala siyang pawang mga hired killer ang pumaslang sa biktima.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa naganap na krimen, gayunman marami ang naniniwala na may kinalaman ito sa pulitika. (Ulat nina Cristina Timbang at Mading Sarmiento)