Sa ulat na ipinaabot ni Col. Hilario Atendido, tagapagsalita ng Armed Forces Southern Command, sumiklab ang madugong sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng militar sa ilalim ng 3rd Infantry Batta-lion dakong alas-2:00 ng madaling araw makaraang mapaulat na magsasagawa ng pagsalakay ang MILF sa military detachment.
Nagkataon namang katatapos pa lamang na manumpa ang bagong Pangulo ng bansa nang magsagupa ang magkabilang panig.
Tumagal ng dalawang oras ang sagupaan sa pagitan ng may 130 sundalo, elemento ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU)-Active Auxillary (CAA) laban sa mga MILF rebels.
Dahil sa may back-up na dalawang armor vehicles ang tropa ng pamahalaan ay napilitang umatras ang mga rebelde na ikinasawi ng pitong rebelde at isang sundalo.
Nakilala naman ang mga nasawing rebelde na sina Jay Bado, Oling Amil, Kusain Bomba, Basil Basco, Manny Omar, Guimel Guimbangan at Guteres Doton habang ang sundalong nasawi sa border ng Brgy. Solon ay hindi kaagad nabatid ang pangalan.
Isa ring sugatang MILF rebel ang nadakip bago dalhin sa Cotabato Regional hospital.
Gayunman, nakuha ng mga tropa ng gobyerno ang mga naiwang armas ng mga rebelde na kinabibilangan ng 2 B40 na may pitong rounds of ammunition, 2 M203 grenade launchers, 3 M16 armalite at isang M14 rifle. (Ulat ni Roel Pareño)