Walang paglagyan ng kasiyahan ang mga taga sunod ni Singson, iba naman ang naramdaman ng mga kalaban nito sa pulitika na nagluluksa dahil sa pagkasibak ni Estrada.
Sinabi ni Vice-Governor DV Savellano na labis na ikinatuwa ng mga dating kinakabahan na kaalyado at kamag-anak ni Singson dahil nabunot na ang tinik sa kanilang lalamunan sa pagkatalsik ni Estrada sa puwesto na mortal na kalaban ng kanilang idolo.
Natatakot din ang mga kalaban ni Singson dahil napilay ang kanilang political career at malamang na balikan sila sa kanilang pagbatikos at panalangin na mabilanggo ito.
Kaya inaasahan na ilalampaso ang mga kalaban sa pulitika ni Singson sa darating na halalan dahil nanalo ito sa kanyang pagbubulgar kay Erap.
"Uuwi na ako sa probinsiya dahil may tungkulin din naman ako doon" wika ni Singson.
Sinabi ni Singson na hindi niya pinagsisihan ang mga ginawa niyang pagbubunyag laban kay Erap na kanyang naging kaibigan na halos 30 taon. (Ulat nina Myds Supnad at Malou Rongalerios)