"Terak Tessie" o "Tessie’s Dance" usung-uso

TARLAC CITY – Popular na popular ngayon dito ang "Terak Tessie". Alam ba ninyo ito?

Ito ang bagong Tessie’s Dance (sinayaw umano ni Senator Tessie Aquino-Oreta) na ginagaya naman ngayon ng kanyang mga kababayan sa lalawigan.

Ang naturang bagong steps ng sayaw ay makikitang isinasayaw ng mga protesters buhat sa militanteng League of Filipino Students, College Editors Guild of the Philippines at ng Anakbayan sa kanilang isinasagawang protesta sa buong lansangan sa lungsod.

Magugunitang pinauso ni Oreta, kapatid ni Ninoy ang "Terak Tessie" sa loob mismo ng Senate Hall matapos na pagbotohan ng mga Senador kung kailangang buksan ang pangalawang envelope na sinasabing magpapatunay sa ill-gotten wealth ni Pangulong Estrada.

Nanalo ang ‘No’ vote na labis na ikinalungkot ng mga prosecution.

Sa aktong ito, nakunan ng television camera si Sen. Oreta na labis naman ang kasiyahan at sa labis na pagsasaya ay napaindak at napasayaw.

"Ikinahihiya namin siyang makilala bilang isang taga-Tarlac", pahayag ng isa sa mga protester. (Ulat ni Benjie Villa)

Show comments