19-anyos na dalaga tinarakan, napatay ni ate

PAGBILAO, Quezon – Isang 19-anyos na dalaga ang sinaksak at napatay ng kanyang ate dahil lamang sa isang lalaki na kanilang nakilala sa isang sayawan sa Brgy. Talipan sa bayang ito, kamakalawa ng madaling-araw.

Ang biktima na nagtamo ng malalalim na saksak sa katawan na siyang naging dahilan ng kanyang kamatayan ay nakilalang si Rarebille Nadres, samantalang tumakas naman ang kanyang ate na si Rochelle, 21, dalaga, kapwa naninirahan sa Brgy. Silangang Mayao, Lucena City.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong ala-1 ng madaling-araw ay dumalo sa isang sayawan sa APA Recreation Hall ang magkapatid.

May nakilala umanong isang lalaki sa sayawan ang magkapatid at natipuhan nito ang biktima at palagi itong isinasayaw na ikinainis umano ng suspect na ate.

Nang matapos ang sayawan ay nagkanya-kanya nang uwian ang mga tao. Kasabay ng biktima na umuwi ang kanyang kaibigan, lingid sa kaalaman nito ay inaabangan na siya ng kanyang kapatid.

Nang magpangita ang dalawa ay kinompronta ng suspect ang nakababatang kapatid kasunod nito ay pinagsasaksak na ng suspect ang biktima hanggang sa humandusay sa lupa. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments