P46-47 laban sa USD1 pagkalipas ng impeachment trial

Nagpahayag ng kumpiyansa ang Malacañang na tatatag sa halagang P46 hanggang P47 ang palit ng piso laban sa isang dolyar sa sandaling matapos na ang paglilitis sa kasong impeachment laban sa Pangulong Joseph Estrada.

Ayon kay Executive Secretary Edgardo Angara, ang prediksyong ito ay mula kina Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Rafael Buenaventura at Finance Secretary Jose Pardo.

Sa palatuntunang ‘Jeep Ni Erap’ , sinabi rin ni Angara na gagawa ng hakbang ang BSP laban sa mga nagtago ng dolyar at nagpatubo sa pagpapalit nito sa sandaling matapos na ang paglilitis sa kasong impeachment laban sa Pangulo.

Hindi aniya magawa ito ngayon ng BSP dahil makakadagdag pa ito sa kasalukuyang problemang pulitikal.

Idinagdag pa ni Angara na base sa impormasyong nakakarating sa kanyang tanggapan bumaba na rin ang interest rate sa nakalipas na dalawang buwan.

Determinado aniya ang pamahalaang maibaba pa ang tubo sa pautang ng mga bangko para mapangalagaan ang kapakanan ng maliliit at katamtamang laki ng negosyo sa bansa. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments