Nagpadala ng liham si Judge Ruth Santos ng Antipolo MTC, Branch 1 kina DILG Secretary Alfredo Lim, PNP chief Director General Panfilo Lacson at kay Rizal PNP director Luizo Ticman, matapos na hindi dumalo ang maraming mga bilanggo sa mga isinasagawang pagdinig ng kanilang kaso sa kabila na batid ng korte na nakakulong ang mga ito.
Ayon sa utos ni Judge Santos, nararapat na ipakita ng mga awtoridad sa korte ang mga preso na sina Marites Belardo, Christian de Leon, Ariel Marcos, Emilis Delizo-Abuan, Victorino Parane, Teddy Mamamil, Carlos Bulanon, Danilo Santos, Uldarico Sonio, Rudy Occiano, Normal de Guzman, Romeo Iligado, Leo Baeno, Mila Bautista, Tina Rosario, Danilo Palapar, Ellen Raposon, Emilia Margate, Rose Maravilla at Arturo Legaspi.
Hiniling din ng judge na imbestigahang mabuti ang mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology , partikular na ang jail warden na si Chief Inspector Alejandro Almasen.
Nabatid naman mula kay Superintendent Efren Yebra, hepe ng Antipolo Police na ang mga nabanggit na bilanggo ay pawang nahaharap sa kasong ilegal gambling, maliban kay Palapar at Bulanon na nahaharap sa kasong act of lasciviousness.
Ipinaliwanag ni Yebra na nagkaroon ng miscommunication sa pagitan ng korte dahil sa nakapag-piyansa na ang mga ito.
Hinihingi naman ng korte ang release paper ng mga preso. (Ulat ni Danilo Garcia)