Ayon kay PHIVOLCS director Raymundo Punongbayan sa ipinaabot nitong sulat sa Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) na posibleng muling magkaroon ng pagsabog ang bulkang Mayon.
Napag-alaman na kamakalawa ng hapon ay muling nagpakita ng abnormal na aktibidades ang naturang bulkan kung kaya ito ay patuloy na minamatyagan ng mga volcanologist.
Nabatid na nagkaroon ng lava dome build sa bunganga ng bulkan na katulad nang nakita ng mga volcanologist bago ito pumutok noong nakalipas na Pebrero ng nagdaang taon.
Sinabi ni Ed Laguerta na base sa kanilang nakuhang mga larawan sa bulkan nitong nakalipas na araw at larawan na kinuha kamakalawa ay kanilang naobserbahan na ang lava dome ay nasa bunganga na ng Mayon.
Sa isinagawang pagpupulong sa Regional Disaster Coordinating Council kahapon ng umaga sa pangunguna ni NDCC Chairman at Defense Secretary Orly Mercado na kaagad na inalerto ang mga ahensiya ng pamahalaan para sa napipintong pagsabog ng bulkan.
Sa kasalukuyan ay patuloy na ipinatutupad ng mga awtoridad ang 6 kilometer permanent danger zone sa paligid ng bulkan.
Nakaantabay na rin ang mga tauhan ng militar at pulisya para sa mabilisan na paglilikas sa mga residente sa paanan ng bulkan sakaling tuluyang mag-alburoto ang nabanggit na bulkan.
Magugunitang huling sumabog ang bulkang Mayon noong nakalipas na Pebrero ng nagdaang taon. Ang pinakamatindi nitong pagsabog ay naitala noong Pebrero 1, 1814 na pumatay sa mahigit sa 2,000 katao sa Bicol region. (Ulat ni Ed Casulla. May dagdag ulat ni Angie dela Cruz)