Kinilala ni Police Superintendent Leopoldo Bataoil, PNP provincial director, ang mga nasawing pulis na sina SPO2 Narciso Navarro, 44, ng bayan ng Sta. Maria at SPO1 Rogelio Julian, 36, ng bayan naman ng San Quintin, habang sugatan at ginagamot sa Dagupan City hospital si PO3 Alex Juanitez.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya bago naganap ang krimen ay masaya pang nag-iinuman ang tatlo sa loob ng Sta. Maria Police Station dahil kanilang isineselebra ang wedding anniversary ng kanilang station commander na si Supt. Alfredo Bascao.
Ilang sandali pa ay nagpaalam ang tatlo sa kanilang hepe para pumunta sa bayan ng Tayug at may bibilhin.
Habang binabagtas ang gilid ng dike sa Barangay Libertad sa nabanggit na bayan, si Navarro na nakaupo sa likuran ng sasakyan ay biglang nag-amok at sa walang kadahi-dahilan ay pinaputok nito ang kanyang baril at tinamaan si Julian sa ulo. Pagkatapos ay binaril din ni Navarro si Juanitez na siyang driver ng sasakyan at nakaupo katabi ni Julian.
Dahil sa komosyon nawalan ng kontrol sa manibela si Juanitez dahilan upang mahulog sa dike ang sasakyan.
Dahil dito, nagawa ni Juanitez na makababa ng sasakyan at bagamat sugatan ay agad na lumayo at humingi ng tulong. Hindi pa man ito nakakalayo ay narinig na ang dalawang putok ng baril.
Malaki ang hinala ng pulisya na nagawa pa ni Julian na unang binaril ni Navarro na makuha ang kanyang baril at paputukan hanggang sa mapatay ang suspect na si Navarro.
Gayunman, hindi na rin nakuhang madala sa pagamutan si Julian at binawian na ito nang buhay.
Ayon pa sa nakalap na ulat na si Navarro ay may rekord na "trigger-happy" lalo na nga kung ito ay nasa impluwensiya ng alak. Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa pa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Eva De Leon)