Pulis na utol ng heneral todas sa kabaro

ALITAGTAG, Batangas – Isang pulis na nakababatang kapatid ng heneral ang napatay ng kapwa niya pulis matapos na magtalo at magbarilan sa loob ng police station noong Huwebes ng gabi sa bayang ito.

Napatay ang nakababatang kapatid ni retired PNP General Arturo Añas na si PO2 Valentino Añas, 40, ng kasamahan niyang pulis na si PO3 Rodolfo Panaligan kapwa nakatalaga sa Alitagtag police station.

Batay sa ulat na natanggap ni Batangas Provincial Director Police Superintendent Florante Baguio, nagtalo sina Añas at Panaligan sa pamamaraan ng paghahain ng warrant of arrest sa isang suspek na nakatira sa pagitan ng boundary ng Cuenca at Alitagtag.

Ayon sa imbestigasyon, nagkomprontahan ang dalawa kung anong bayan ba talaga ang nakasasakop sa bahay ng suspek. Tumangging ihain ni Añas ang warrant dahil sa paniniwala niya na ang bahay ng suspek ay sakop na ng Cuenca at wala na sa kanilang area of responsibility.

Ito naman ay tinutulan ni Panaligan at iginiit na sakop pa ito ng Alitagtag at nararapat lang na may karapatan sila sa paghahain nito, na nauwi sa matinding pagtatalo at magbarilan ang mga ito.

Mabilis namang isinugod sa Martin Marasigan Memorial Hospital si Añas ngunit namatay din matapos lapatan ng emergency treatment.

Samantala, humingi ng tulong si General Añas sa National Bureau of Investigation para sa malalimang imbestigasyon sa kasong ito, habang nag-utos naman ng isang manhunt operation si Provincial Director Baguio laban kay Panaligan. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments