Ex-vice mayor niratrat, patay

LINGAYEN, Pangasinan – Isang dating vice-mayor sa bayan ng Bani ang iniulat na binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa Poblacion, Bani, ayon sa ulat na nakarating sa Pangasinan PNP provincial office.

Nakilala ang nasawi na si Reynaldo Cacho, 42, ex-vice mayor sa nabanggit na bayan at residente sa Poblacion, Bani. Base sa inisyal na imbestigasyon, nakaupo umano sa bench sa harap ng isang tindahan ang biktima na noon ay umiinom ng softdrinks.

Isang lalaki na nagpanggap ding bibili ng softdrinks ang lumapit sa tindahan at walang sabi-sabing pinaputukan ng dalawang ulit ang nakaupong biktima. Si Cacho ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib at namatay habang ginagamot sa Western Pangasinan District Hospital sa bayan ng Alaminos.

Mabilis namang tumakas ang suspect lulan ng isang motorsiklo matapos ang isinagawang krimen. Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.

Isang masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ukol dito. (Ulat ni Cesar Ramirez)

Show comments