30 dayuhan na-kidnap sa bansa sa loob ng Year 2000

Umabot sa 30 mga dayuhan ang naitalang dinukot sa bansa noong nakalipas na taong 2000, ayon kay Rep. Ernesto Herrera, na kilalang anti-crusader.

Base sa report ng PNP, binanggit ni Herrera na sa 30 dayuhang dinukot sa bansa, kabilang dito ang 18 mga foreigners na kinidnap ng Muslim extremist group ang Abu Sayyaf sa Malaysian dive resort sa Sippadan noong nakalipas na Abril.

Sa labingwalong ito, walo dito ay Malaysian, tatlo ay Germans, dalawang South African, dalawang French at isang Lebanese na dinala ng mga rebelde sa Jolo, Sulu.

Nabatid pa sa ulat na ito ay pinakawalan lamang matapos makakolekta ang grupo ng ASG ng may $25 milyon o P1.1 billion ransom.

Apat pa ring dayuhang journalist na nagkokober sa Sulu hostage crisis, at tatlong French national at isang German ang magkakasunod ding dinukot ng Abu Sayyaf.

Hanggang sa kasalukuyan ay hawak pa rin ng mga ASG ang American national na si Jeffrey Craig Schilling, 24.

Bukod sa 23 dayuhan na dinukot ng ASG, sinabi ni Herrera na may pito pang dayuhan ang dinukot naman ng kidnap-for-ransom group sa Luzon.

Ayon sa rekord tatlong Chinese ang dinukot sa Baguio City noong nakalipas na Enero, isang Japanese trader ang dinukot sa Pasay City noong Mayo, isang Pakistani businessman ang dinukot sa Makati City noong nakalipas na Setyembre, isa pang French ang dinukot sa Manila noong Nobyembre at isa pang Japanese tourist ang kinidnap sa Clark Field sa Pampanga noong Nobyembre. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments