Cell site ng Islacom sinalakay ng NPA rebels
Sinalakay ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga rebeldeng NPA ang cell site ng Islacom at saka sinunog ang mahahalagang pasilidad ng komunikasyon ng nabanggit na kompanya sa Barangay Sabang, Danao City, Cebu, ayon sa ulat ng militar kahapon. Ito ay sa kabila ng idineklarang ceasefire ng pamahalaan sa hanay ng mga rebeldeng NPA sa bansa. Batay sa ulat na ipinarating kahapon ng AFP Visayas Command sa Camp Aguinaldo ang insidente ay naganap pasado alas-9 ng gabi habang abala ang mga mamamayan sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Sa kasalukuyan ay dinedetermina pa ang halaga ng napinsalang mga linya ng komunikasyon. Napag-alaman na puwersahang pinasok ng hindi pa mabatid na bilang ng mga rebeldeng NPA ang gusali ng Islacom cell site at saka winasak ng mga rebelde ang mamahaling kagamitan kung saan ay tumagal rin ng ilang minuto ang paghahasik ng mga ito ng karahasan. (Ulat ni Joy Cantos)