Nagbibisikletang senglot, binoga ng naka-motorsiklo

DASMARINAS, Cavite – Isang karpintero na pinaniniwalaang lasing sa alak nang magbisikleta, ang inulat na nasawi makaraang barilin ng dalawang hindi nakikilalang lalaki na nakasakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Molino Salawag road, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jess Arsubisi, may asawa, at residente ng Burol 3 ng bayang ito.

Habang ang dalawang suspek na hindi kaagad nakilala ay mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay nakasakay ng bisikleta kaangkas ang isang nagngangalang Manuelito Macalino dakong alas 12:30 ng madaling araw sa naturang lugar.

Dahil sa lasing sa alak ang biktima ay hindi normal ang pagpapatakbo nito ng bisikleta.

Sa salaysay ni Macalino sa pulisya, lingid sa kaalaman ng biktima ay may nakasunod na dalawang hindi kilalang lalaki sakay ng motorsiklo.

At sa hindi inaasahang pagkakataon nang mag-overtake na ang mga suspek ay nagkataon namang bumaling sa kaliwa ang minamanehong bisikleta ng biktima kaya nagalit ang mga sakay ng motorsiklo.

Subalit bago pa lumapit ang mga suspek ay unang bumaba si Macalino habang patuloy pa ang biktima sa pagbibisikleta.

Sa hindi kalayuang kinatatayuan ni Macalino ay nasaksihan niya na binaril sa ulo ang kanyang kasama bago pa tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments