Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang biktimang nasawi ay nakilalang si Miller Navarro na nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa mukha mula sa baril ni P/Insp. Bernardo Cuadra, Jr. chief of police ng Marihatag Municipal Police Station.
Batay sa ulat, naganap ang naturang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa Municipal Gymnasium sa nasabing lugar habang nagaganap ang inter-agency Christmas party nang ipinahinto ni Cuadra ang tugtugan at sayawan dahil nairita ito sa ilang bystanders ang nambabato ng mga basyo ng bote at plastic na silya.
Dahil sa nabitin ang grupo ni Navarro sa sayawan ay hiniling nito kay Cuadra na kung maaari ay paabutin ng alas-3:00 ng madaling-araw ang naturang kasiyahan sa dahilang pagkatapos ng okasyon ay tutungo na ang kanyang grupo sa simbahan para sa Simbang Gabi.
Ngunit nagkaroon ng mainitang pagtatalo na naging dahilan upang mapilitang bunutin ni Cuadra ang kanyang baril at paputukan si Navarro.
Sumuko si Cuadra at isinurender ang kanyang service caliber .45 sa alkalde ng Marihatag na nagbunsod ng kanyang pansamantalang pagkakulong sa Marihatag Municipal Jail para sa kaukulang disposisyon. (Ulat ni Jhay Mejias)