Bagong detachment ng militar niratrat ng MILF: 7 katao sugatan

Anim na sundalo at isang sibilyan ang malubhang nasugatan makaraang isabotahe ng mga rebeldeng MILF sa pamamagitan nang pagpapaulan ng punglo ang isang bagong tayong detachment ng militar na katatapos lamang pasinayahan sa Tantangan, South Cotabato, kamakalawa ng gabi.

Gayunman, hindi pa tinukoy ang pangalan ng mga nasugatang enlisted personnel at ang isang sibilyan na mabilis na isinugod sa Tamundong Doctors Hospital sa Tacurong Sultan Kudarat.

Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, dakong alas-7 ng gabi ng gulantangin ng pagpapaulan ng punglo ng mga rebeldeng Muslim ang detachment ng 7th Special Forces Battalion sa Barangay Cuyapo, Tantangan, South Cotabato.

Sunud-sunod na putok at pagpapasabog ang pinakawalan ng umatakeng mga suspect na pawang armado ng M16 rifles at rocket propelles grenade launchers.

Ang mga armadong rebelde ay lulan ng isang motorsiklo at isang walang markang van.

Napag-alaman na katatapos lang ng inagurasyon ng nasabing detachment at kasalukuyang nagsasalo-salo sa hapunan ang mga sundalong nakatalaga rito ng maganap ang insidente.

Tumagal ng ilang oras ang pagpapaulan ng putok ng MILF habang mabilis namang nagdepensa ang mga nakabantay na sundalo. Mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng Tantangan ang mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments