Batay sa report na nakarating sa Central Operation Center ng Camp Crame, unang dinukot ng dalawang armadong kalalakihan ang Fil-Chinese businessman na nakilalang si Daniel Dy Sanchez sa kahabaan ng Rizal St., Angeles City, Pampanga.
Nabatid na bandang alas-7 ng gabi habang namimili ang biktima kasama ang kanyang anak na nagngangalang Ruel sa naturang lugar nang bigla na lamang silang tutukan ng baril ng mga suspect.
Sapilitan umanong isinakay ng mga suspect ang mga biktima sa dala nilang sasakyan na walang plaka at tumakas patungo sa direksyon ng McArthur Highway sa nasabing lalawigan.
Pinababa naman ng mga suspect ang batang si Ruel pagdating nila sa tapat ng Angeles Medical Center sa Barangay Salampungan. Nabatid na pinakawalan ng mga suspect ang bata upang sabihin sa ina na si Evelyn Sanchez na makipagkita sa kanila (mga suspect).
Gayunman, sa halip na ransom money ay hiniling ng mga kidnaper kay Evelyn na ibigay sa kanila ang orihinal na last will and testament ng ina ng kanyang mister na si Gng. Juaquina Dy kapalit ng kalayaan ng biktima.
Bunga naman nito ay isang dragnet operation ang isinagawa ng mga awtoridad sa araw na itinakda ng mga kidnappers, subalit natunugan ito ng mga suspect kayat hindi sumipot ang mga ito sa lugar na pinag-usapan.
Kaugnay nito, isa pang negosyante ang dinukot ng tinatayang 20 pinaniniwalaang miyembro ng mga rebeldeng MILF.
Ang biktima ay nakilalang si Danny Saavedra, 33, at residente ng Barangay Mindupok, Maitum, Sarangani.
Base sa report, sakay ng tatlong pumpboats ang mga suspect kung saan dalawa dito ay huminto sa mismong harapan ng bahay ng biktima na malapit sa tabing-dagat.
Sapilitang kinuha ang biktima at saka isinakay sa kanilang pumpboat, samantalang ang ilan pang kasamahan ng mga suspect ay nanloob pa sa bahay ng biktima.
Patuloy naman ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa dalawang kaso ng kidnapping kasabay ng paglulunsad ng malawakang operasyon upang mailigtas ang mga biktima at masakote ang mga suspect. (Ulat ni Joy Cantos)