Batay sa ulat na nakarating sa Central Operation Center ng Camp Crame, kasalukuyan pang bineberipika ang pangalan ng mga nasawing rebelde.
Kinilala naman ang nasawing pulis na si PO3 Noli Hadap at ang malubhang nasugatan ay si PO3 Rudy Valeriano.
Ayon sa ulat, sinalakay ng armadong grupo ng mga rebelde ang Casiguran MPS na pinamumunuan ni Inspector Manuel Corpuz sa nabanggit na lugar bandang alas-6:05 ng hapon.
Nabatid na sakay ng jeep ang mga rebelde na biglang umatake sa nabanggit na istasyon ng pulisya.
Hindi naman nagpasindak ang mga tauhan ng pulisya kung kaya umusbong ang sagupaan na tumagal ng may 45 minuto.
Kaugnay nito, isa sa mga rebelde na may dalang dalawang galong gasolina na gagamitin sana upang sunugin ang naturang police station, subalit agad itong nakita ng isa sa pulis kung kaya’t agad itong pinaputukan ng baril.
Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng labanan ang dalawang galon ng gasolina at mga subersibong dokumento na pag-aari ng kilusan.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga kagawad ng Sorsogon PPO at 2nd Infantry Battalion laban sa grupo ng umatakeng mga gerilyang komunista upang papanagutin ang mga ito sa batas. (Ulat ni Joy Cantos)