Gayunman, nananatiling nananahimik ang pangasiwaan ng USLS tungkol sa isyu. Samantala, hindi naman pinahintulutan ang mga mamamahayag na dumalo sa isinagawang negosasyon sa pagitan ng USLS administration at mga magulang ng mga biktima patungkol sa umanoy naganap na hazing activities.
Kabilang sa mga inaakusahan sangkot sa naturang hazing activities ay sina Naval cadets John Marc Sadiasa, Joemar Manalo, Hermelo Tongson, John Paul Canada, Victorino Sales, Rolen Guotana, Joemel Bertolano, Daniel John dela Paz at Oddesa Lozada.
Samantalang ang mga sinasabing biktima na pawang mga 1st year students sa nabanggit na unibersidad ay sina Reinerio Querubin, Jose Leo Laud, Rolando Medina, Kristopher Tolosa, Arcer Lacson, Emil Inandan, Antonio Veluz, Ryan Gonzaga, Brian Joseph Castaneda at Ericson Miravalles.
Sa letter of complaint na ipinadala kay USLS president Gus Bocquer ng mga magulang ng mga biktima, binanggit ng mga ito na pinagsusuntok ng mga Senior Naval cadet officers ang kanilang mga anak sa sikmura, pinagulong sa maruming bathroon ng naka-hubot-hubad at pinalo sa mga ulo ng matigas na bagay.
Puwersahan pa rin umanong pinanguya ng kanin , manok at hiniwang gulay na ipinapasa buhat sa ibat-ibang bibig at ang huling biktima ang siyang maglulunok nito.
Gayundin ang ginawa sa inuming tubig na pinagpasapasahan din. Nagbanta pa umano ang mga opisyal sa mga mag-aaral na huwag magsusumbong kaninuman kung hindi ay mahaharap sila sa kaukulang kaparusahan.
Binanggit pa sa reklamo na ang naturang hazing activities ay naganap sa pagitan ng buwan ng Hulyo hanggang Oktubre ng taong kasalukuyan sa loob mismo ng naturang campus. (Ulat ni Antonieta Lopez)