Totoy pinaliguan ng gas

DASMARIÑAS, Cavite– Muntik ng matusta nang buhay ang isang grade-2 pupil makaraang buhusan ng gas sa buong katawan ng kanyang tiyuhing adik, kamakalawa ng hapon sa loob ng kanilang bahay sa may Barangay Salawag sa bayang ito.

Ang biktima na sa kabutihang palad ay nakatakas sa malupit ng kamay ng kanyang adik na tiyuhin ay kinilala ni Chief Inspector Reynaldo Galam, hepe ng pulisya sa bayang ito na si Garry Umali Perucho, residente ng Block 4, Lot 11, Zurich St., Barangay Salawag ng bayang nabanggit.

Samantalang ang suspect na sinampahan ng kasong RA 7610 (Child Abuse) ay nakilalang si Alberto Umali.

Batay sa salaysay ng biktima, dakong alas-8 ng gabi ng maganap ang insidente sa bahay ng kanyang lola. Dito biglang dumating ang kanyang tiyo na pinaniniwalaang bangag sa ipinagbabawal na gamot at walang sabi-sabing pinagsisipa at pinagsusuntok siya.

Hindi pa umano nasiyahan ang suspect at binuhusan ng gas ang biktima, mabuti na lamang at mabilis na nakapiglas ang bata at nakatakbo. Nabatid pa na pati umano ang pinsan ng biktima ay binugbog din ng suspect sa tuwing ito ay high sa droga. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments