Ang mga biktimang nasawi na pawang nagtamo ng pagkabasag ng bungo at mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ay nakilalang sina Nestor Dequina, 35, driver ng Raymund Transit Bus at residente ng Candelaria, Quezon; Joselin Jarme, co-driver ng una at residente ng Camarines Sur; Carmela Agunda, guro sa Tagkawayan Fisheries School at naninirahan sa Tagkawayan, Quezon, habang patuloy pang inaalam ang pangalan ng dalawa pang nasawing babae.
Pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang mga bayan ang 22 pasahero ng bus matapos na ang mga ito ay lapatan ng pangunang lunas habang ang tatlong iba pa ay patuloy pang ginagamot sa Quezon Memorial Hospital dahil sa grabeng kapinsalaan at ito ay kinilalang sina Allan Agunda, 25, ng Tagkawayan, Quezon; Joselito Caña ng Camarines Sur at PO2 Oligario Salvador, nakatalaga sa Rizal PNP.
Sa isinagawang imbestigasyon nina SPO3 Fernando Reyes III at PO3 Pelobello, officers-on-case, naganap ang aksidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw kahapon.
Binabagtas umano ng Raymund bus na may plate no. PYW-263 ang kahabaan ng Diversion Road patungong Tagkawayan, Quezon nang biglang sumulpot sa kanilang harapan ang kasalubong na isang Philtranco Bus.
Dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi na umano naiiwas ng driver ng Raymund bus ang kanyang minamaneho at tuluy-tuloy na nagbanggaan ang dalawang sasakyan. Tumakas ang driver ng Philtranco na nakilalang si Gregorio Pacho. (Ulat nina Tony Sandoval at Cecile Tutor)