Kinilala ni Chief Inspector Reynaldo Galam, hepe ng pulisya sa bayang ito ang paslit na biktima na si Carlo Mendoza, ng Barangay Inusluban, Lipa City, Batangas.
Samantalang ang suspect na tiyo na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang karumal-dumal na krimen ay nakilalang si Ronilo Mendoza, 35, ambulance driver at residente rin sa naturang lugar.
Bukod sa pagpaslang sa kanyang pamangkin, nabatid na nauna nang pinaslang ng suspect ang kanyang asawang si Mary Jane sa pamamagitan din ng pagtaga sa katawan sa kanilang bahay sa Lipa, Batangas. Sugatan din sa naturang insidente ang ina ni Mary Jane na si Mona Mercado Balita, 53 at lola na si Juana Balita, 70.
Ang dalawang matanda ay kapwa ginagamot ngayon sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City.
Batay sa isinagawang imbestigasyon nina PO3 Edgar Belza at PO3 Eric Ofren, may hawak ng kaso na dakong alas-12:00 ng tanghali ng maganap ang insidente habang ang suspect ay sakay ng sasakyan ng kanyang biyenan na isang Mitsubishi Lancer na kulay gray at may plakang PLH-349 kasama ang pamangkin na kanyang tinangay mula sa Batangas.
Nabatid na tinangay ng suspect ang kanyang pamangkin para gawing pananggalang at bihag sa mga humahabol sa kanyang kagawad ng pulisya matapos nga niyang patayin ang kanyang asawa na si Mary Jane.
Pagsapit ng sinasakyan nito sa isang bukirin sa Barangay Salawag ay tumirik ang sasakyan matapos na mawalan ng gasolina, kung kaya bumaba ang suspect bitbit ang umiiyak niyang pamangkin at tumakbo sa gitna ng palayan at doon pinagtataga nito ang paslit at hindi pa nasiyahan ay pinugutan ito ng ulo.
Matapos ang ginawang pangalawang krimen mabilis na tumakas ang salarin.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na matinding selos ang naging dahilan kaya pinaslang ng suspect ang kanyang maybahay. At saka idinamay ang ilan pa nitong kasambahay at maging ang kanyang pamangkin.
Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang ginamit nitong jungle bolo sa pagpatay sa bata, gayundin ang inabandona nitong sasakyan.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga kagawad ng pulisya para sa madaling ikadarakip ng suspect. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)