Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang dalawang miyembro ng CAFGU na napuruhan matapos na pagbabarilin ng mga rebelde sa isang ambush sa Sitio Matin-awa, Barangay Guling sa nasabing bayan.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, nakilala ang dalawang nasawing CAFGU na sina Santiago Paulino at Martin Dalumpines, kapwa nasa ilalim ng 6th Infantry Battalion ng Phil. Army.
Napag-alaman na dakong alas-8 ng umaga habang nagpapatrulya ang mga elemento ng pamahalaan ay bigla na lamang niratrat ng mga rebelde na muling nagsamantala sa pagdedeklara ng pamahalaan ng ceasefire o ang pansamantalang pagtigil ng military operation .
Magugunita na nagdeklara ng tigil-putukan ang pamahalaan sa hanay ng mga rebeldeng MILF na nagsimula noong nakalipas na Disyembre 1 na tatagal hanggang Enero 9 sa susunod na taon.
Kinondena ng militar ang patuloy na paglabag ng mga rebelde sa idineklarang Suspension Of Military Operation (SOMO) para maiwasan ang anumang kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao lalo na ngayong Kapaskuhan. (Ulat ni Joy Cantos)