Dinukot na mag-ama nabawi; isa sa 6 kidnaper tiklo

Nailigtas ng mga tauhan ng PAOCTF ang mag-amang biktima ng kidnap-for-ransom gang na nagresulta rin sa pagkaaresto sa isa sa mga suspect sa isinagawang operasyon sa Sta. Monica, Dasmariñas, Cavite.

Sa press conference na isinagawa kahapon sa Camp Crame, iniharap ng mga opisyal ng PAOCTF ang nailigtas na mag-amang biktima na nakilalang sina Arthur Mamariong at ang 3-anyos nitong anak na si Norjana.

Kinilala naman ang naarestong kidnaper na si Alkadir Untawar, 19, tubong Lanao del Sur.

Binanggit sa ulat na nakatanggap ang PAOCTF ng impormasyon mula sa isang Norhaya-Udasan Mamariong hinggil sa pagkawala ng kanyang mag-ama.

Nabatid pa na P150,000 ransom ang hinihingi ng grupo ng mga suspect kay Norhaya para sa ligtas na pagpapalaya sa kanyang mag-ama.

Lingid sa kaalaman ng mga suspect nakapagsumbong na sa mga awtoridad si Norhaya at isinagawa ang entrapment operation.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na mismong ang kaibigan ng mga biktima na nakilalang si Jamael Rasul ang siyang utak sa ginawang pagdukot. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments