Ayon kay Quezon PNP director Senior Superintendent Charlemagne Alejandrino, isinagawa ng mga rebelde ang sorpresang paglusob sa Municipal Hall ng Agdangan, Quezon dakong alas-2:45 ng hapon.
Sinasabi sa ulat na lulan ng dalawang dumptruck galing sa direksyon ng Unisan, Quezon ang mga rebelde na agad na pinalibutan ang buong munisipyo at kalapit nitong police station.
Kasalukuyan umanong inaasikaso ng limang miyembro ng Agdangan PNP ang mga taong kumukuha ng police clearance , habang marami ring mga tao sa munisipyo ang nagsasagawa ng kanilang mga transaksyon nang tutukan ng baril ng mga rebelde.
Pinigil din ng ilang mga rebelde sa kanyang tanggapan sa loob ng ilang minuto si Agdangan Mayor Augusto Pobeda, gayunman hindi ito sinaktan ng mga rebels.
Binanggit pa sa ulat na habang nira-ransack ng mga rebelde ang naturang police station ay dalawampu sa mga ito ang nagtungo sa magkahiwalay na bahay nina T/Sgt. Rommel Natura at ex-soldier Ramon Aguilar at tinangay din ang baril ng mga ito.
Tinangay ng mga rebelde sa kanilang pagtakas ang anim na M16 armalite rifle, isang Llama pistol at dalawang radio na pag-aari ng police station at ng munisipyo.
Nagsasagawa na ngayon ng puspusang pagtugis laban sa umatakeng mga rebelde ang magkakasanib na elemento ng Padre Burgos at Unisan Municipal Police Station , gayundin ang 76th Infantry Battalion ng Phil. Army. (Ulat ni Tony Sandoval)