4 pulis sa ambush ng Bulacan mayor kinilala

KAMPO ALEJO SANTOS, Bulacan – Kinilala at agad na isinailalim sa interogasyon ng Bulacan PNP ang apat na pulis na nakatalaga sa dalawang bayan sa lalawigang ito, bilang umano ay mga pangunahing suspect sa pag-ambush at pagpaslang kay Doña Remedios Trinidad Mayor Esteban Paulino, sa driver nito at sa bodyguard nitong pulis noong nakalipas na Lunes ng hapon sa Barangay Baybay, Angat, Bulacan.

Ang apat na pulis na kasalukuyang sumasailalim sa masusing pagsisiyasat ay nakilalang sina SPO1 Felix Valencia, PO2 Manuel Enriquez, PO1 Rodelio dela Torre ng Angat Police Station at ang kapatid ng una na si PO3 Eddie Valencia, nakatalaga naman sa Norzagaray Police Station.

Ang nasabing mga pulis ang tinukoy ni Ginang Evelyn Paulino, biyuda ng pinaslang na alkalde, batay sa mga impormasyong ipinarating sa kanya ng ilang mga saksi na ayaw magpakilala at gustong makatulong sa paglutas ng kaso.

Nabatid pa sa ginang na bago pinatay ang kanyang asawa ay nakakatanggap na umano ito ng mga pagbabanta sa buhay kung ipagpapatuloy nito ang balaking muling kumandidato sa nasabing posisyon sa darating na eleksyon sa susunod na taon.

Binanggit pa ng ginang na nagbitiw din umano ng salita si SPO1 Felix Valencia na ito ang magiging mahigpit na makakalaban ng kanysang asawa sa eleksyon na kahit anumang paraan, siya ang kailangang maupong mayor ng DRT sa susunod na termino, na siya namang ginamit na batayan ng naturang biyuda upang paghinalaan ito sa pagpatay sa kanyang asawa.

Nangako naman si Bulacan PNP Provincial Director Superintendent Emelito Sarmiento sa mga kamag-anak ng mga nasawi na walang magaganap na white- washed sa kaso upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments