Ito ang naging pahayag sa pulisya ni Ginang Evelyn Paulino, maybahay ng pinaslang na alkalde ng Doña Remedios Trinidad , Bulacan matapos mabatid ang naganap na pag-ambus sa kanyang asawa na ikinasawi rin ng driver at ng pulis na bodyguard nito, habang ang mga ito ay lulan ng isang sasakyan at binabagtas ang isang daan sa may Barangay Baybay, Angat sa lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kaagad na nasawi sa loob ng kanilang sinasakyang Nissan Patrol na may government plate number SFC-977, sanhi ng napakaraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan mula sa matataas na kalibre ng baril si Mayor Esteban Paulino, ang driver na pamangkin nito na si Bebong Venturina at ang bodyguard na si PO1 Teofilo Villanuza.
Sa kaugnay pa ring balita, natagpuan na ng mga awtoridad ang pampasaherong jeep na ginamit ng sampung hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan na pumaslang sa mayor, matapos itong abandonahin sa Barangay Taboc, Angat, Bulacan ilang oras makaraang maganap ang pananambang.
Ang nasabing jeep ay naka-rehistro sa isang R. Lucino, na may biyaheng Baliuag- Meycauayan at may plakang CWL-403. Ito ay nakuhanan ng maraming basyo ng bala na pinaniniwalaang bahagi ng sandatang ginamit sa pagpatay sa naturang alkalde.
Sa panayam kay Ginang Paulino, sinabi nitong pulitika lamang ang nakikita niyang motibo sa ginawang pagpaslang sa mayor, dahil nagdeklara itong muling lalahok sa darating na eleksyon para sa nasabi ring posisyon.
Ito anya ang marahil na ginawang paraan ng kanyang mga kalaban para tuluyan na itong hindi makakandidato.
Tinitignan din ng pulisya kung may kaugnayan sa pagkamatay ng nasabing alkalde ang naganap namang pagpatay sa dating mayor sa nabanggit na bayan na si Maximo Esquivel na tinambangan din habang papalabas sa bahay noong nakalipas na Marso 15, 2000. (Ulat ni Efren Alcantara)