Sa ulat na isinumite ng Tarlac Police Provincial Office (TPPO) kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Chief Superintendent Roberto Calinisan, kinilala nito ang biktima na si Francisco "Boy " Sigua, 63, residente ng Barangay Parang, Concepcion, Tarlac.
Si Sigua na kasalukuyang presidente ng United- Labor Workers Union (ULWU) ay ginagamot sa Ramos General Hospital sa Tarlac City dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, kagagaling lamang umano ng biktima sa opisina nito dakong alas-11:45 ng gabi sa Hacienda Luisita sa nabanggit na bayan ng tambangan ng hinihinalang miyembro ng rebeldeng NPA.
Nabatid sa ulat na si Sigua ay kasalukuyan ding naninilbihan bilang isang barangay chairman.
Kasama ni Sigua ang isang pulis na nagngangalang SPO2 Molina ng maganap ang pananambang.
Masuwerte namang nakaligtas sa pananambang ang kasama nitong pulis ayon sa ulat ng pulisya.
Nagsagawa naman ng malawakang manhunt operation ang mga kagawad ng pulisya laban sa mga rebelde upang panagutin sa nasabing insidente.
Hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa naganap na ambush. (Ulat ni Jeff Tombado)