Ayon kay Defense Secretary Orlando Mercado, ang isang buwang tigil-putukan ay matatapos sa Enero 1, 2001.
Sinabi ni Mercado na hindi saklaw ng SOMO o suspension of offensive military operations ang grupong bandido na hanggang ngayon ay may nalalabi pang dalawang bihag.
Ayon kay Mercado inaasahan ng government panel na pinamumunuan ni Ret. Gen. Edgardo Batenga na babalik ang MILF sa hapag ng negosasyong pangkapayapaan at mayroon nang magagandang palatandaang ipinahihiwatig sila ukol dito.
Sinabi ni Mercado na ang pamahalaan ay nagpakita na ng katapatan para maisulong ang prosesong pangkapayapaan sa MILF.
Dito ay kabilang ang pagpapatibay noong Hulyo 26 ng safety and immunity guarantee pass sa miyembro ng MILF na kalahok sa peace talks.
Nag-alok din ng amnestiya ang pamahalaan sa mga rebeldeng MILF sa pamamagitan ng isang proklamasyon noong nakalipas na Setyembre 29 at ang pag-uurong ng mga kaso laban sa matataas na lider ng MILF noong nakalipas na Oktubre 9. (Ulat ni Lilia Tolentino)