Ito naman ang ipinahayag ni Senador Ramon Magsaysay, Jr. kasabay ng babala na kailangan na mag-ingat ang publiko sa pagkalat ng pekeng Co-Amoxiclav na nadiskubreng peke sa rehiyon ng Mindanao.
Sinasabing ang Co-Amoxiclav ay isang uri ng antibiotics na ginagamit sa impeksiyon.
Ayon kay Magsaysay, ang mga naturang pekeng gamot ay una nang nabunyag sa St. John Hospital sa Davao City na pagmamay-ari ni Dr. Romanito Pilay na pinagbibili sa halagang P15 hanggang P20 na mas mababa kumpara sa mga drugstores.
Lumilitaw din sa pagsusuri ng Department of Health na ang gamot ay hindi nagtataglay ng amoxicillin at clavulanic acid.
Dahil dito, nagharap si Magsaysay ng resolution na humihikayat sa Senate Committee on Health na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkalat ng pekeng gamot.
Hiniling din nito sa Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat ng paraan upang makumpiska ang mga pekeng gamot sa mga drug store upang maiwasan ang anumang panganib sa kalusugan.
Sinabi pa ni Magsaysay na mula lamang Luzon ang ilan sa mga suspect na nadakip at sinasabing nagbebenta ng pekeng gamot.
Aniya, hindi umano malayong isang sindikato ang nagsasagawa nito at ngayon ay nagsasagawa na rin sa Kamaynilaan. (Ulat ni Doris Franche)