Ang biktima na nakaburol sa kanilang tahanan sa Barangay Paliparan 3 ng bayang ito ay kinilala ni Chief Inspector Reynaldo Galam , hepe ng pulisya na si Janet Sinalcosa.
Batay sa ibinigay na pahayag ng ina ng biktima na si Gng. Susan Seno sa tanggapan ng Complaints and Action Unit natuklasan nila ang pagkamatay ng kanilang anak kamakalawa lamang.
Binanggit pa nito sa kanyang salaysay na nagsimula ang kalbaryo ng kanyang anak nang pangakuan ito ng isang nagngangalang Emily Reyes na bibigyan ng magandang trabaho sa Maynila may dalawang linggo na ang nakakalipas.
Dahil sa kahirapan at kagustuhan ng biktima na makatulong sa kanyang pamilya ay pumayag ito.
Nabatid pa na ipinasok ni Reyes na GRO si Janet sa Taurus Sing-Along Restaurant na nasa Florida, Pampanga na pag-aari rin ng una.
Simula noon ay napariwara na ang buhay ng kanyang anak. Nagkaroon din umano ito ng ka-live-in na siyang pumilit sa kanilang anak na mag-shabu.
Sa ulat na kanilang natanggap, na-overdose sa shabu ang kanilang anak at ilang araw na naratay sa pagamutan subalit hindi rin nagtagal ay namatay.
Nagulat na lamang sila nang matanggap ang balitang patay na ang kanilang anak.
Positibong lumabas sa death certificate ng biktima na overdose sa shabu ang naging sanhi ng kamatayan nito.
Isang masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)