Barangay chairman tinodas ng magkakapatid

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong magkakapatid ang isang barangay chairman bunga ng mainitang pagtatalo sa Parang, Sulu, kamakalawa.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, nakilala ang biktima na si Samsaraji Jidi Kutong, barangay chairman ng Barangay Bagsak sa nabanggit na lugar.

Kaagad namang natukoy ang mga salarin na nakilalang sina Nelson Abdua, Elias Abdua at Botsoy Abdua, ng Sitio Loas, Barangay Buton ng nabanggit na bayan.

Nabatid na pawang malalapit na kaibigan ng biktima ang magkakapatid na Abdua at madalas umanong magkakasama ang mga ito sa inuman at maging sa diskusyunan.

Binanggit sa ulat na noong gabi bago maganap ang insidente ay magkakasama pa ang biktima at mga suspect na nag-inuman. Nagkaroon umano nang pagtatalo ng pagkakataon na iyon kung kaya’t naghiwahiwalay ang grupo ng may samaan pa ng loob.

Kinabukasan dakong ala-1:30 ng tanghali agad na inabangan ng Abdua brothers si Kutong at saka pinagbabaril.

Matapos ang krimen mabilis na nagsitakas ang mga suspect na ngayon ay hinahanap ng mga awtoridad. (Ulat ni Joy Cantos )

Show comments