Sinabi ni Mario Raymundo, astronomer ng PAGASA, malamang anyang anino lamang ng planeta na nasinagan ng liwanag ng buwan ang nakita ng mga tao sa Pampanga dulot na rin ng nakitang paggalaw nito sa kalawakan.
Hinihinala rin na magkatulad lamang ang mga liwanag na nakita sa himpapawid ng Las Piñas kamakailan na sinasabi ring UFO.
"Iyong nakita sa Las Piñas, naghugis W na nagliwanag ay nagpapatunay na dulot ng sinag ng planeta sa kalawakan at kung halos pareho ito ng nakita sa Pampanga, malamang epekto rin ito ng sinag ng liwanag ng planeta", ani Raymundo.
Gayunman, sinabi nito na isang team mula sa Astronomy Department ng nabanggit na ahensiya ang nagsasagawa na nang pag-aaral ukol sa sinasabing UFO na nakita sa Pampanga para matiyak kung ano talaga ito. (Ulat ni Angie dela Cruz)