Army major patay sa ambush

CAMP OLIVAS, Pampanga – Isang Philippine Army major ang pinagbabaril hanggang sa mapatay matapos na tambangan ng pinaghihinalaang mga miyembro ng Rebolusyunaryong Hukbong Bayan (RHB) habang ito ay naglalakad patungo sa kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa Barangay Ninoy Aquino, Maria Soledad Street, Marisol, Angeles City, Pampanga, kamakalawa.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director Chief Supt. Roberto Calinisan, kinilala nito ang biktima ng ambush na si Army Major Romeo Palaganas, 43, residente ng Barangay Marisol, Angeles City at nakatalaga sa Phil. Army Light Armor Brigade na nakabase sa Camp O’ Donnel sa Capas, Tarlac.

Si Palaganas ay namatay noon din sa pinangyarihan sanhi ng tinamo nitong sampung tama ng bala sa ulo at katawan.

Batay sa ulat ng pulisya, ganap na alas-4:45 ng hapon habang naglalakad patungo sa kapilya sa naturang lugar upang sumamba kasama ang maybahay nito at mga anak ng tambangan ng apat na kalalakihan na hinihinalang mga miyembro ng RHB.

Nabatid na simula noong 1989 hanggang sa taong 1994 ay nagsilbi si Palaganas sa ilalim ng counter-insurgency operations ng militar laban sa mga rebelde sa ilang lalawigan at probinsiya ng Pangasinan at Mindanao. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments