Kasabay nito, inihayag ni Elmor Escocia, chief ng UFO team ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may sampung katao rin ang nagsasabing nasaksihan nila ang nagliliwanag na UFO na lumanding sa isang lugar sa Kabangkalan sa Negros Occidental noong nakalipas na Setyembre 23.
Idinagdag pa ni Escocia na maraming mga testigo ang nagsabing nakita nila ang UFO na may nakakasilaw na mga ilaw at lumanding dakong alas-8:45 ng gabi. Ang iba pang detalye tungkol dito ay patuloy pang kinakalap ng UFO team, pahayag ni Escocia.
Ipinaliwanag pa nito na nagpasya ang UFO team na siyasatin ang ‘dancing light phenomenon’ dito matapos na igiit ng mga testigo ang tungkol sa misteryosong liwanag na kanilang nasaksihan dakong alas-6 hanggang alas-11 ng gabi noong nakalipas na Biyernes.
Binanggit pa ni Escocia na ang kahalintulad na phenomenon ang iniulat din noong nakalipas na Pebrero ng nagdaang taon sa Caloocan City at Marilao, Bulacan, gayunman nabatid sa isinagawang imbestigasyon na ang naturang liwanag sa kalangitan ay buhat sa malakas na ilaw na ginagamit sa karaoke bar sa Marilao.
Ipinaliwanag naman ni Escocia na nagkaroon ng interes ang kanilang grupo na siyasatin ang insidenteng naganap dito noong nakalipas na Biyernes dahil na rin sa ulat ng mga testigo na nakita nila ang liwanag kahit na walang ulap, hindi katulad ng insidenteng naganap sa Marilao. (Ulat ni Ding Cervantes)