Munisipyo sinalakay ng NPA rebels; pulis todas, 2 pa grabe

Sinalakay ng tinatayang aabot sa 200 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang Municipal Hall ng Caramoan, Camarines Sur na nagresulta sa pagkasawi ng isang kagawad ng pulisya at pagkasugat ng dalawa pa nitong kasamahan kamakalawa ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, ang nasabing pag-atake ay ipinalalagay na bahagi ng kautusan ni Communist Party of the Phil.-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) Founding Chairman Jose Maria Sison at siyang pinakamatindi simula ng bulabugin ng kontrobersiyal na ‘‘jueteng payola’’ ang administrasyong Estrada.

Kinilala naman ang nasawing pulis na si PO1 Dante Paulo Olitoquit at ang mga nasugatan ay sina PO3 Donnie Casipit Valencia at PO2 Rodel Valencia.

Napag-alaman na ang naturang raid ay naganap dakong alas-2:45 ng hapon at tinangka pa ng mga rebeldeng NPA na okupahin ang Caramoan Town Hall.

Dito’y nagkaroon ng maikling palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na nagresulta sa pagkasawi ng isang pulis at pagkasugat ng dalawa pa habang pinaniniwalaang marami rin ang casualties sa mga rebelde.

Sinabi sa ulat na winasak rin ng umatakeng mga rebelde ang mga kagamitan sa nasabing opisina tulad ng mga computers bago nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Magugunita na nitong nakalipas na Huwebes ay sinunog din ng umatakeng 100 mga rebeldeng NPA ang isang pampasaherong bus sa Davao-Agusan Highway sa Campostella Valley at isang construction site sa Brgy. Tugas, President Garcia, Bohol. (Ulat nina Joy Cantos, Ed Casulla at Jhay Mejias)

Show comments