Ang biktima ay nakilalang si Romy Balgome, 44, construction worker ng Laura St. Purok 3 Area 5 Belama, Quezon City ay hindi na umabot ng buhay matapos isugod sa Amang Rodriguez Hospital dahil sa tinamong saksak sa dibdib.
Agad namang nasakote ng mga nagrespondeng tanod ang suspek na si Elmer Silvestre, 30 ng Caloocan City at kasalukuyan itong nakaditine sa Cainta Municipal Jail at nahaharap sa kasong homicide.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-2 kahapon ng madaling araw ay kapwa customer ang suspek at ang biktima sa J&J Karaoke sa kahabaan ng London St. Cypress Village, Brgy. Sto. Domingo.
Dahil kapwa na lasing, nag-agawan ito ng mikropono nang biglang lumabas ang awiting My Way na kapwa nila hinulugan ng coins at sabay na inaabangan.
Dahil dito ay sinaksak ng suspek ang biktima matapos na mauna nitong nakuha ang mikropono at agad na kumanta. (Ulat ni Danilo Garcia)