Ang biktima ay nakilalang si SPO1 Ronilo Hermosa, 39, miyembro ng Cataingan Municipal Police Station at residente ng naturang lugar.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya naganap ang insidente dakong alas- 9 ng umaga habang ang biktima ay nasa labas ng nabanggit na municipal jail ng biglang lapitan ng apat na armadong kabataan na hinihinalang mga rebeldeng NPA at walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan ang biktima.
Napag-alaman na ang biktima ay kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong pagpatay.
Binanggit pa sa ulat na kasalukuyang nagpapahinga ang biktima sa labas ng kulungan ng lapitan ng mga suspect.
Matapos ang isinagawang krimen ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect.
Malaki ang paniwala ng mga awtoridad na ang biktima ay sinentensiyahan ng mga rebelde bilang paghihiganti dahil sa ang napaslang nito ay kaanak ng isang mataas na opisyal ng kilusang komunista.
Samantala, nagpalabas naman ng kautusan si Provincial Director Superintendent Julius Ovilla para masusing imbestigahan kung papaanong ang naturang biktima ay nakalabas ng kulungan at napatay ng mga rebelde. (Ulat ni Ed Casulla)